Hindi Totoo! Ang diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. ang utak at pasimuno ng Martial Law. Batay sa diary entries na sulat mismo ng diktador, masasabing produkto ng mahaba at maiging pagpaplano ang pagdeklara ng Martial Law upang mapanatili ang kapangyarihan sa kanyang mga kamay.
Sa kanyang talambuhay, nagpahayag si Juan Ponce Enrile na noon pa lamang Disyembre 1969, inutusan siya, at sila Executive Secretary Alejandro Melchor and Jose Almonte na aralin ang pamamalakad at kahihinatnan ng Martial Law. Kinonsulta din ni Marcos ang mga embahada ng mga bansang nasa ilalim ng isang authoritarian government.
Noong May 8, 1972, sa sinulat ni Marcos sa kanyang diary na inutusan niya ang mga militar na aralin at suriin ang kanilang mga plano, kabilang na rito ang listahan ng mga taong aarestuhin.
Noong Setyembre 7, 1972, sa kanyang talumpati sa Philippine Military Academy Alumni Association, nagpahiwatig si Marcos ng mga plano niya para sa pagpapasailalim ng bansa sa Martial Law. Ginamit din ni Marcos na dahilan ang pag-aalsa ng mga aktibista (Battle of Mendiola, First Quarter Storm), ambush kay Enrile, at ang Plaza Miranda bombing upang magbigay katuwiran sa pagdeklara ng Martial Law.
Sources:
https://www.officialgazette.gov.ph/featured/declaration-of-martial-law/
https://opinion.inquirer.net/96042/marcos-planned-martial-law/
https://verafiles.org/articles/how-marcos-kept-his-martial-law-plans-secret/